Lathalain

Tatak Mindoro, Panalo!

                 Makukulay na mga kasuotan, magandang himig ng musika at mga palamuti na puno ng buhay, yan ang karaniwang makikita sa mga piyesta ng Oriental Mindoro. Ito ang mga okasyon na minsan lang mangyari pero isang taong pinaghandaan. Dito pinapakita na ang mga mamamayan ng Oriental Mindoro ay hindi lamang puro ganda at talino ngunit ubod din ng talento.

 

                  Ang probinsya ng Oriental Mindoro ay kilala bilang isa sa mga may pinakamaraming piyesta sa buong Pilipinas. Talaga namang kapanapanabik kaya naman dinadayo ito ng mga turista. Isa rito ang MAHALTANA, binubuo ito ng apat na nagpapakilanlan sa Mindoro at iyon ay ang MAngyan, HALcon, TAmaraw at NAujan Lake. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Nobyembre upang bigyang karangalan ang kanilang patron. Nakikiisa dito ang buong probinsya na binubuo ng 14 na bayan at 1 lungsod para ipakita ang kanilang pagkakaisa.

 

                Sa bayan ng Pinamalayan, ipinagdiriwang naman ang Bahaghari Festival tuwing ika-25 ng Abril. Isinasagawa ito upang ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang kapwa, kultura at katatagan sa pagharap sa hamon ng buhay tulad ng paglabas ng bahaghari pagtapos ng ulan. Napakasimple ngunit makabuluhan. Banana Festival naman ang ganap sa bayan ng Baco sa ika-15 ng Marso. Ipinagdiriwang ito upang magpakita ng pagpapasalamat para sa masaganang ani ng saging sa bayan. Binubuo ito ng kanilang tradisyon tulad ng “lupakan”,”harana” at “pandangguhan“ na kanilang sinasayaw para sa mga manonood.

 

                  Basudani Festival naman ang tawag sa piyesta ng Bansud na ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Enero. Ito ay pagpapasalamat sa masaganang ani sa bayan. Ang inaabangan dito ay ang mga sumasayaw sa kalsada, napakasaya nito kaya naman pati mga bata at matatanda ay hindii nagpapahuli at nakikiisa rito. Ang lungsod ng Calapan naman ay nanggaling sa salitang “kalap” na isang uri ng puno. Nang tumagal, iba na ang pananaw nila sa terminong ito, it ang naging pundasyon ng kanilang piyesta. Ipinagdiriwang ito para ipakita ang kanilang pagkakaisa at ang pananalig sa Diyos.

 

                   Bukod sa produksyon ng bigas at niyog, tanyag din sa bayan ng Gloria ang kawayan. Ipinagdiriwang sa bayan na ito ang Kawayan Festival tuwing ika-1 ng Oktubre, labis nilang ipinagmamalaki ang kawayan dahil isa ito sa kanilang hanapbuhay. Tulad sa mga unang nabanggit, may mga sayaw din dito tuwing piyesta. Sa bayan ng Bongabong ipinagdiriwang naman ang Sulyog Festival tuwing ika-15 ng Marso, ang pinagmulan nito ay ang salitang “suli” na ibig-sabihin ay saging at niyog. Ito ang pinagkakakitaan nila sa bayan kaya labis nila itong ipinagmamalaki. May mga isinasagawa silang sayaw upang magsilbing pasasalamat sa kanilang patron na si St. Joseph.

 

             Sa Roxas naman ipinagdiriwang ang SIPAG Festival tuwing ika-25 ng Enero ang ibig-sabihin nito ay ang saging, isda, palay at gulay na pinagkakakitaan ng bayan. Sagana sa ani ang bayan na ito kaya tuwing piyesta ay talagang pinaghahandaan nila ito. Sa Mansalay ay ipinagdiriwang ang Mangyan Festival tuwing ika-25 ng Nobyembre. Isinasagawa nila ito upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga Mangyan na parte ng populasyon ng bayan. MASAYAW Festival naman ang isinasagawa sa bayan ng San Teodoro na ipinagmamalaki ang kanilalng kultura at tradisyon. Ang MASAYAW ang nanggaling sa salitang MAria na patron nila, SAn Teodoro na galing sa kanilang kultura at saYAW. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Disyembre.

 

 

              Mahalagang ipagmalaki natin kung ano ang mayroon sa ating probinsya. Bago natin tangkilikin ang iba, atin muna. Ang mga piyestang ito ay hindi lamang upang magbigay aliw at para rin magbigay ng pasasalamat at ipakita ang ating pagkakakilanlan. Tulungan natin ng ating probinsya na umasenso at mapanatili ang ating tradisyon. Dito sa Oriental Mindoro, lahat isasapuso.